Friday, March 2, 2018

Vision Statement

Ang Vision Statement ay isang mithiin sa kung ano ang gusto ng isang barangay na makamit o magawa sa pang-matagalang hinaharap o 3 hanggang 6 na taon. Nagsisilbi ito bilang isang malinaw na gabay para sa pagpili ng mga nararapat na programa at proyekto sa kasalukuyan at sa hinaharap.

Mas magandang isagawa ang pagbuo ng Vision Statement matapos ang SWOT Analysis upang matugunan kung ano man ang naging resulta ng SWOT.

Mga Elemento ng Epektibong Vision Statement

  • Dapat malawak ang sinasaklaw nito upang masakop ang lahat ng aspeto ng pag-unlad ng isang barangay;
  • Tinutugan nito ang pagpapabuti ng mga yaman ng barangay - kalikasan, tao, materyal, at pananalapi;
  • Sumisimbolo ito sa karangalan at adhikain ng mga residente ng barangay.

Mga hakbang sa pagbuo o pagreview ng Vision Statement ng barangay

  1. Magkasundo ang lahat kung kailangang baguhin ang Vision ng barangay o hindi. Sa puntong ito alamin kung akma pa ba ang kasalukuyang Vision sa estado ng barangay at panahon.
  2. Mag-isip kung ano ang tunay na nakikita para sa barangay sa hinaharap.
  3. Ilarawan ang gustong maging resulta.
  4. Anu-anong mithiin at pangarap mayroon ang kuminidad? Praktikal at hindi imposibleng mangyari.
  5. Anu-anong mga pagbabago sa barangay ang nais maipakita sa isang pambansang programa o dokumentaryo anim na taon mula ngayon?
  6. Sagutin ang tanong na ito:
"Ano ang gusto nating makita sa barangay pagdating sa lokal na pamamahala at pagpapa-unlad sa mga tao sa loob ng tatlo hanggang anim na taon?

*Maaaring kumuha ng isang taong magsisilbing facilitator mula sa labas ng organisasyon upang maging patas at balanse ang gagawin. Ang Ateneo de Naga University-Center for Local Governance ay isang halimbawa sa mga nagsasagawa ng facilitation sa ganitong uri ng kaganapan.

Mga kailangang ikonsidera sa pagbuo ng Vision

  • Pinagbuting pagpapalakad ng lokal na pamahalaan ng barangay
  • Partisipasyon ng lahat ng sektor
  • Pagtugon sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo
  • Pagpapalaki ng kita o income ng barangay
  • Pangmatagalang pagmamaneha sa kapaligiran
  • Kahandaan sa anumang sakuna
Halimbawa ng isang Vision Statement ng barangay:

"Ang barangay______________ bilang isang barangay na may bukas na pamamahala at may mabuting  mga nanunungkulan, pinaunlad at nagkakaisang mga mamamayan na may programang pang-edukasyon para sa progresibong kabuhayan, kalusugan, malinis na kapaligiran at tahimik na komunidad na may paggalang sa Dios at sa bawat isa"



No comments:

Post a Comment

HOME

Ang blogsite na ito ay nilikha upang makatulong sa ating mga barangay officials sa paraan ng mga materyal para sa pagpapaunlad ng kanilang ...