Monday, March 5, 2018

Barangay Development Plan

Bakit dapat maghanda ang isang barangay ng Barangay Development Plan (BDP)?

  • Ang pangangailangan upang maghanda ng isang BDP ay alinsunod sa prinsipyo ng pagbabadyet gaya ng iniutos sa ilalim ng Sec.305 RA 7160. 
  • Kung walang mga programa at proyekto na nakapaloob sa plano wala ring batayan para sa programa ng pondo, samakatuwid wala rin batayan para sa pagbabadyet.

Sino ang naghahanda at nag-aapruba ng BDP?

  • Ayon sa Sec.107 ng LGC, ang Barangay Development Council (BDC) ang naghahanda ng BDP para aprubahan ng Sangguniang Barangay.

Ano ang komposisyon ng Barangay Development Council (BDC)?

  • Ang BDC ay dapat pamunuan ng Punong Barangay kasama ang sumusunod na mga miyembro:
          a. Miyembro ng Sangguniang Barangay;
          b. Representante ng NGO na nasa barangay na kukompuni sa hindi bababa sa 1/4 ng miyembro ng BDC; at
          c. Representante ng congressman.

Gaano katagal ang termino ng barangay Development Plan?


  • Ang BDP ay kadalasang ginagawa para sa limang taon o medium term.


Mga Hakbang sa Paggawa ng BDP:

  1. Dapat mayroong representante ang lahat ng sektor sa Barangay Development Council na siyang maghahanda ng BDP.
  2. Gamit ang resulta ng SWOT analysis tungkol sa kasalukuyang kalagayan ng barangay alamin ang mga maaaring gawin upang makamit ang mga nailagay o nabanggit sa Vision Statement ng barangay. Maaaring sagutin ang tanong na ito bilang gabay: Ano ang mga nararapat nating gawin upang mapaunlad ang ating barangay at mahikayat ang partisipasyon ng mga tao sa atin?
  3. Ilista lang ang mga ideyang nabanggit at pagsama-samahin ang magkakatulad na sagot ayon sa sektor na tinutugunan.
  4. Balangkasin ang mga pinagsama-samang sagot at bigyan ang mga ito ng nararapat na titulo.
  5. Pagusapan kung anong mga program, proyekto, at gawain ang maaaring ipatupad upang maging totoo ang mga ideyang nabanggit sa loob ng tatlong taon.
           Halimbawa ng isang binalangkas na Barangay Development Plan:


Friday, March 2, 2018

SWOT Analysis

Ang ibig sabihin ng SWOT ay Strength (Kalakasan), Weaknesses (Kahinaan), Opportunities (Oportunidad) at Threats (Hadlang). SWOT Analysis ang kalimitang ginagamit ng mga organisasyon upang alamin ang panloob at panlabas na kundisyon nito tuwing nagkakaroon ng pagkakataon para e-assess at e-evaluate ang sarili.

Ang Strengths at Weaknesses ay tumutukoy sa panloob na kundisyon ng mga tao at ng organisasyon samantalang ang Opportunities at Threats naman ay tumutukoy sa panlabas na kundisyon.  Ginagawa ang SWOT analysis upang malaman ang mga bagay na dapat baguhin, palakasin, at ipagpatuloy para sa ikauunlad ng isang organisasyon at ng mga miyembro nito.

Ang nasa ibaba ay mga tanong na makatutulong sa pagsagawa ng SWOT Analysis na maaaring simulan sa bawat miyembro at sa organisasyon:

Strengths
- Ano ang pinakamahusay na nagawa natin?
- Anong natatanging kaalaman, talento, o resources ang mayroon tayo?

- Anong mga pakinabang ang mayroon tayo?
- Ano ang sinasabi ng ibang tao tungkol sa ginagawa natin na maganda?
- Ano ang ating pinakamalaking nakamit(accomplishment)?


Weaknesses: 
- Anong aspeto sa organisasyon ang maaari pa nating mapabuti?
- Anong kaalaman, talento, kakayahan, at mga resources ang kulang sa atin?
- Ano ang sinasabi ng ibang tao tungkol sa atin na hindi maganda?
- Saang aspeto ng organisasyon kailangan nating magdagdag ng pagsasanay?
- Anong mga reklamo mayroon ang ating mga kliyente tungkol sa ating serbisyo?

Opportunities
- Paano natin magagawang oportunidad ang ating mga kahinaan?
- Mayroon bang pangangailangan sa organisasyon at komunidad na walang sinuman ang nakatutugon?
- Ano ang maaari nating gawin sa ngayon na hindi pa nagagawa?
- Paano nagbabago ang mga polisiya sa bansa sa ngayon at paano natin ito mapapakinabangan?
- Sino ang maaring sumuporta o tumulong sa atin? Paano tayo nila matutulungan?

Threats
- Anong mga hadlang ang kinakaharap natin?
- Maaari bang maging dahilan ang ating mga kahinaan upang hindi natin matugunan ang ating mga layunin?
- Sino o ano ang maaring magdulot sa atin ng problema sa hinaharap? Paano?
- Mayroon bang anumang mga pagbabago sa batas o mga pamantayan na maaaring magkaroon ng negatibong epekto sa atin?
- Mayroon bang mga pagbabago sa teknolohiya at ibang larangan na maaaring magbanta sa ating tagumpay?

Vision Statement

Ang Vision Statement ay isang mithiin sa kung ano ang gusto ng isang barangay na makamit o magawa sa pang-matagalang hinaharap o 3 hanggang 6 na taon. Nagsisilbi ito bilang isang malinaw na gabay para sa pagpili ng mga nararapat na programa at proyekto sa kasalukuyan at sa hinaharap.

Mas magandang isagawa ang pagbuo ng Vision Statement matapos ang SWOT Analysis upang matugunan kung ano man ang naging resulta ng SWOT.

Mga Elemento ng Epektibong Vision Statement

  • Dapat malawak ang sinasaklaw nito upang masakop ang lahat ng aspeto ng pag-unlad ng isang barangay;
  • Tinutugan nito ang pagpapabuti ng mga yaman ng barangay - kalikasan, tao, materyal, at pananalapi;
  • Sumisimbolo ito sa karangalan at adhikain ng mga residente ng barangay.

Mga hakbang sa pagbuo o pagreview ng Vision Statement ng barangay

  1. Magkasundo ang lahat kung kailangang baguhin ang Vision ng barangay o hindi. Sa puntong ito alamin kung akma pa ba ang kasalukuyang Vision sa estado ng barangay at panahon.
  2. Mag-isip kung ano ang tunay na nakikita para sa barangay sa hinaharap.
  3. Ilarawan ang gustong maging resulta.
  4. Anu-anong mithiin at pangarap mayroon ang kuminidad? Praktikal at hindi imposibleng mangyari.
  5. Anu-anong mga pagbabago sa barangay ang nais maipakita sa isang pambansang programa o dokumentaryo anim na taon mula ngayon?
  6. Sagutin ang tanong na ito:
"Ano ang gusto nating makita sa barangay pagdating sa lokal na pamamahala at pagpapa-unlad sa mga tao sa loob ng tatlo hanggang anim na taon?

*Maaaring kumuha ng isang taong magsisilbing facilitator mula sa labas ng organisasyon upang maging patas at balanse ang gagawin. Ang Ateneo de Naga University-Center for Local Governance ay isang halimbawa sa mga nagsasagawa ng facilitation sa ganitong uri ng kaganapan.

Mga kailangang ikonsidera sa pagbuo ng Vision

  • Pinagbuting pagpapalakad ng lokal na pamahalaan ng barangay
  • Partisipasyon ng lahat ng sektor
  • Pagtugon sa paghahatid ng mga pangunahing serbisyo
  • Pagpapalaki ng kita o income ng barangay
  • Pangmatagalang pagmamaneha sa kapaligiran
  • Kahandaan sa anumang sakuna
Halimbawa ng isang Vision Statement ng barangay:

"Ang barangay______________ bilang isang barangay na may bukas na pamamahala at may mabuting  mga nanunungkulan, pinaunlad at nagkakaisang mga mamamayan na may programang pang-edukasyon para sa progresibong kabuhayan, kalusugan, malinis na kapaligiran at tahimik na komunidad na may paggalang sa Dios at sa bawat isa"



Thursday, March 1, 2018

Ang blogsite na ito ay nilikha upang makatulong sa ating mga barangay officials sa paraan ng mga materyal para sa pagpapaunlad ng kanilang kapasidad na magagamit sa maayos na pamamalakad sa kani-kanilang barangay.

Local Government Code of 1991 or Republic Act 7160


HOME

Ang blogsite na ito ay nilikha upang makatulong sa ating mga barangay officials sa paraan ng mga materyal para sa pagpapaunlad ng kanilang ...